Nagwagi ang akdang ito ng UNANG GANTIMPALA sa ginanap na Peace and Equity Foundation National Creative Writing Contest noong taong 2007. Pinarangalan ito noong ika-3 ng Disyembre 2007 sa Glorietta Activity Center, Lungsod ng Makati. Isinulat ko ito dala na rin ng kalunus-lunos na kalagayan ng moral na aspeto ng ating bansa na nagpapasahol pa sa kahirapan.
***Copyright Registration No. O2010-345, issued by the National Library of the Philippines
Nanunuot sa balat ni Domeng ang init ng araw. Tumatagaktak na ang pawis ng pobre, ngunit matiyaga pa rin niyang hinahawakan ang isang plakard kung saan nakasulat ang mga katagang “Palayain si Idol!” Sa gitna ng dagat ng ‘di magkamayaw na mga tao sa paligid niya; sa gitna ng ingay, usok, alikabok at init; at maging sa gitna ng mga nagpupuyos na damdamin, tangan-tangan ni Domeng ang kanyang plakard bagaman at lumilipad naman sa kung saang alapaap ang kanyang isip.
Hindi naman talaga naniniwala si Domeng sa nakasulat sa kanyang plakard. Unang-una, wala naman siyang personal na kaugnayan kay Idol. Bagaman at batikang aktor ang huli, taong 1998 lamang nang mag-krus ang kanilang mga landas. Tandang-tanda pa ni Domeng ang araw na iyon; panahon noon ng kampanya at sa lahat ng mga kumandidato, tanging si Idol lamang ang sumuot sa kanilang masangsang, madilim at maputik na eskinita. Higit sa lahat, nakamayan siya nito. Maputi ang kamay ni Idol at malayung-malayo sa maitim at madalas na nanlilimahid niyang mga kamay. Mahigpit ang pakikipag-kamay sa kanya ng nangangampanyang pulitiko at ngumiti pa ito sa kanya. Noong mga oras ding iyon, nabuo ang pasya ni Domeng na si Idol ang kanyang iboboto. Batid niya na sa mga pelikula, si Idol ang nagtatanggol sa mga inaapi at pinahihirapan, kung kaya’t naibulalas niya sa kanyang sarili na ganoon din ang gagawin ng naturang aktor-pulitiko sa tunay na buhay. Umasa nang husto si Domeng.
At bakit nga ba hindi aasa si Domeng gayong pagasa rin ang nagtulak sa kanya upang lisanin ang Albay at makipagsapalaran sa Kamaynilaan? Labingwalong taong gulang lamang noon si Domeng, at dahil ikatlong baitang lamang ang natapos at walang ibang alam hawakan kung hindi kopra, dyanitor sa isang kainan sa Binondo ang kinabagsakan niyang trabaho. Sa kainan ding iyon niya nakilala ang kaherang si Merced. Tahimik na tao si Merced. Tubo siyang Bohol at gaya ni Domeng, ang pagasang maka-ahon sa hirap ang nagtulak sa kanya patungong Maynila. Likas siyang mahiyain at tila mailap sa ibang tao. Kung hindi pa si Domeng ang gumawa ng paraan, maaaring hindi sila kailanman nakapag-usap; buti na lamang at malakas ang loob ni Domeng. Naging malapit sila sa isa’t isa hanggang mauwi sa pag-iibigan. Bagaman at hindi sila naipagtaling-puso ng kasal, itinuring nila ang kanilang mga sarili bilang mag-asawa at nagpasyang magsama sa ilalim ng iisang bubong. Nanirahan sila sa isang maliit na silid sa Tondo na itinuring nilang tahanan kung saan magkasama nilang idinibuho ang kanilang mga pangarap. Maayos ang unang mga buwan ng kanilang pagsasama. Kahit noong magsilang na ng dalawang supling si Merced, nagawa pa rin nilang pagkasiyahin ang kanilang kinikita mula sa kainan sa Binondo. Nagsimula ang kalbaryo nilang mag-asawa nang apat na ang kanilang mga anak. Halos buwan lamang ang pagitan ng bawat anak nila kung kaya’t unti-unting bumigat ang buhay para sa kanila. Lalo pang tumindi ang tinatahak nilang masalimuot na landas nang dahil sa kumpetisyong likha ng mga modernisado at kolonyalisadong kainan, nagsara ang kanilang pinapasukan sa Binondo. Wala na silang nagawa at napilitang lisanin ang silid na tinutuluyan upang makipagsapalaran sa mas malupit na uri ng pamumuhay. Sa tulong ng mga naging kapit-bahay, nagtayo si Domeng ng isang bahay sa isang bakanteng lote sa isang looban: isang makipot, madilim at maamoy na eskinita. Gamit ang mga lumang tabla, yero, karton at kinakalawang na pako na napulot sa kung saan-saan, at ilang mga hiram na gamit mula sa mga kaibigan, nagtiyaga si Domeng na magtatag ng isang tahanan kung saan isisilong ang kanyang pamilya.
Marahil upang tumakas sa abang kalagayang kinasasadlakan, umalis si Merced nang walang paalam. Naiwan kay Domeng ang bigat ng pasanin upang buhayin ang kanilang mga anak. Mula sa pangongopra sa Bikol hanggang sa pagiging dyanitor sa Binondo, nauwi si Domeng sa panggagalugad ng bundok ng basura. Kung noon, puno ng pagasa ang bawat paggising ni Domeng sa umaga, hindi na mula nang lisanin siya ni Merced. Naging bangungot ang bawat pagdilat ng kanyang mga mata, at kung hindi lamang dahil sa apat niyang mga anak, mas nanaisin niyang huwag nang magising pa.
Sa pagkakataong ito ng kanyang kasadlakan sa dusa nang mag-krus ang landas nila ni Idol. Umasa si Domeng na sa oras na maupo si Idol sa rurok ng kapangyarihan, isa siya sa maaambunan ng magandang buhay. Ngunit tulad ng mas nakararami, nagkamali si Domeng. Lumipas ang panahon subalit walang nagbago sa buhay niya at ng kanyang mga anak; kung mayroon man, lalo silang nagdusa. Kung dati-rati siya lamang ang nanggagalugad sa tambakan, kasama na niya ngayon ang kanyang mga anak.
Unti-unting naisip ni Domeng na maaaring nagkamali siya nang iboto niya si Idol, at napagtibay niya ang kanyang kaisipan nang mapaalis ito sa pwesto. Sa kasagsagan ng tensyon sa pulitika noong mga panahong iyon, nagkikibit-balikat lamang si Domeng. Hindi iyon dahil sa kinakampihan pa rin niya ang taong minsan niyang pinagkatiwalaan ng kanyang boto, kundi dahil sa nawalan na siya ng tiwala at pagasa na maiaangat ng kung sino pa mang nanunungkulan ang kanyang abang kalagayan.
Lumipas pa ang panahon at marami nang nangyari kay Idol, ngunit wala pa ring magandang nangyayari sa kanyang buhay. Katorse anyos na ang kanyang panganay na anak at nuwebe anyos naman ang bunso, subalit walang isa man lamang sa kanila ang nakatuntong ng paaralan. Damang-dama ni Domeng ang lalong paghirap ng buhay.
Isang araw, samantalang nakaupo si Domeng sa may pintuan ng kanilang bahay na may tagpi-tagping haligi at gula-gulanit na bubungang yari sa yero, tabla at karton, dumating ang kanyang kaibigang si Rudy. Nagiisa noon si Domeng sapagkat nasa tambakan ang kanyang mga anak.
“Kumusta na pare?” bati ni Rudy kay Domeng na noon lamang natauhan mula sa pagkakatulala.
“Uy pare, tuloy! Kumusta? Kagaguhan kung sasagot ako na mabuti ang kalagayan ko. Wala na ‘kong pagasa. Mukhang mamamatay na lang ako na dilat ang mata,” tugon ni Domeng habang nakatingin sa labas ng tinitirahan.
Ngumisi si Rudy. “Huwag kang ganyan pare. Ang totoo niyan, may trabaho ako para sa’yo kaya ako nagpunta rito.”
“Ano ‘yun?” patanong na tugon ni Domeng na naging mas interesado na sa usapan bagaman at medyo nagdududa.
“Natatandaan mo noong 1998? Hindi ba’t si Idol ang ibinoto natin noon? Nakalulungkot lang isipin na napagkaisahan siya ng mga mayayamang taong ‘yan at naikulong. May lumapit sa’kin na kontak na nagtatrabaho sa kampo ni Idol. Hinihingi nila ang suporta natin sa isang rali sa araw ng pagbababa ng hatol, d’yan sa Komonwelt, patungong Sandigan. Bibigyan daw tayo ng pansit at isandaang piso.”
Nanlaki ang mga mata ni Domeng sa narining. “Teka pare! Unang-una, pinagsisisihan ko nang ibinoto ko si Idol. Ang buong akala ko, maiaahon niya ‘ko at ang pamilya ko sa hirap, pero tingnan mo ko ngayon! At ikalawa, pansit at isandaang piso? Iyon na ba ang halaga ng prinsipyo ngayon? Pupunta ako sa piket na ‘yun upang ipaglaban ang isang taong hindi naman ako natulungan na umahon sa hirap? Sa halaga ng pansit at isandaan?”
“Nakakatawa ka pare,” sagot ni Rudy. “Sa kalagayan mong ‘yan, may nalalaman ka pa palang prinsipyo?”
Hindi natuwa si Domeng sa sinabi ng kaibigan, at sinabi niya na bagaman at mahirap siya, hindi niya bibitawan ang kanyang prinsipyo, ang kanyang paninindigan.
Napa-iling si Rudy. “Kung kanina, nakakatawa ka, ngayon, nakakaawa ka na! Pare, tumingin ka sa paligid mo, sa tirahan mo, sa pamilya mo, sa sarili mo! Iniwan ka ng asawa mo dahil kumalam ang sikmura niya. Ngayon, kumakalam ang sikmura mo at ng mga anak mo. Sabihin mo nga sa’kin Domeng, bubusugin ba kayo ng sinasabi mong prinsipyo? Ibabalik ba ng prinsipyo mo si Merced? Pagagandahin ba niyan ang buhay mo?”
Matagal na hindi umimik si Domeng. Sa pagkakataong iyon, nagtalo ang kanyang diwa. Nagkaroon ng digmaan sa loob ng kanyang pagkatao: tunggalian ng prinsipyo laban sa sikmura; nagaalab na damdamin laban sa kumakalam na tiyan. Naputol ang kanyang pagmumuni nang magpaalam na si Rudy. “Sige pare, pag-isipan mo ang alok ko.”
Wala nang nagawa si Domeng kung kaya bagaman at nanunuot sa balat niya ang init ng araw, at bagama’t tumatagaktak na ang pawis niya, matiyaga pa rin niyang hinahawakan ang isang plakard kung saan nakasulat ang mga katagang “Palayain si Idol!” Sa gitna ng dagat ng ‘di magkamayaw na mga tao sa paligid niya; sa gitna ng ingay, usok, alikabok at init; at maging sa gitna ng mga nagpupuyos na damdamin, tangan-tangan ni Domeng ang kanyang plakard—plakard na prinsipyo ang naging kabayaran.
Bago pa tumirik nang husto ang araw, isang tao ang umakyat sa entablado. Ipinahayag niya sa mga tao sa rali na guilty ang naging hatol kay Idol. May mga umiyak at may mga nagalit at nadismaya, ngunit pumasok lamang sa isang tainga ni Domeng at lumabas sa kabila ang mga katagang binitiwan nung tao sa entablado. Para sa kanya, sa wakas at tapos na. Makauuwi na siya.
Magiikalawa na ng hapon nang makauwi si Domeng sa kanilang abang tahanan. Masigla niyang tinawag ang kanyang mga anak, “Madali kayo’t magsasalo tayo!” Inilabas niya mula sa isang puting supot ang isang papel na balot at binuksan ito sa harap ng nasasabik niyang mga anak.
“Pansit! Wow! Saan galing ‘yan ‘tay?” tanong ng kanyang bunsong anak.
Nagbingi-bingihan si Domeng at sadyang hindi sinagot ang tanong ng anak. “Magpakabusog kayo ha. Pagsalu-salohan n’yo na ‘yan. Busog pa naman ako.”
Naupo sa isang sulok ng tinutuluyan nila si Domeng at pinagmasdan ang namumuhalang mga anak. Gutom na gutom ang mga iyon at mababakas sa kanila ang kasiyahan at pananabik sa bawat subo ng pansit. Gayon pa man, hindi ang kasiyahan at pananabik sa bawat subo ng mga anak ang nakikita ni Domeng. Sa bawat subo ng nanlilimahid niyang mga anak, umaalingawngaw sa kanyang gunita ang mga salitang binitiwan ni Rudy.
“Sabihin mo nga sa’kin Domeng, bubusugin ba kayo ng sinasabi mong prinsipyo?”
Posted in Filipino Articles, Winning Piece
Tags: politics, poverty, short story